Basahin: Marcos 12:13–17
Sinubukan ng mga kaaway ni Jesus na lansihin Siya sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga mapanlinlang na mga katanungan. Kahit na walang magbibigay ng payo sa Kanya o tutulong sa Kanya, maayos ang naging tugon ni Jesus sa sitwasyong iyon.
Pinapunta ng mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio ang ilang Pariseo at ilang tauhan ni Herodes kay Jesus para may maiparatang sila laban sa Kanya sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Kanyang mga salita (Marcos 12:13). Kinamumuhian ng dalawang grupong ito ang bawat isa dahil magkaiba ang kanilang pinaniniwalaang prinsipyo. Ang isang grupo ay napaka konserbatibo at ang kabilang grupo naman ay liberal. Pero sa pagkakataong iyon, nagsanib pwersa sila dahil may iisa silang kalaban, si Jesus. Tinanong nila si Jesus kung tama bang magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma ang mga Judio. Nais nilang ilagay sa alanganin si Jesus sa tanong nilang iyon dahil alam nilang may mga Judio na ayaw magbayad ng buwis bilang pagpapakita na hindi sila sang-ayon sa pamumuno ng Roma. Gusto nilang mapahamak si Jesus sa kanilang tanong dahil anuman ang maging sagot ni Jesus ay maaari Siyang ituring na tagasuporta ng Roma o isang rebeldeng kumakalaban sa kanila. Kunwari pa nilang pinuri si Jesus sa pamamagitan ng pagsasabi sa Kanya na alam nilang totoo ang mga sinasabi ni Jesus at wala Siyang pinapaboran at hindi tumitingin sa katayuan ng tao (Marcos 12:14).
Alam ni Jesus na mapagkunwari ang mga relihiyosong ito na lumapit sa Kanya at tinanong Niya sila kung bakit nila sinusubukang hulihin Siya sa kanilang tanong. Inabangan naman ng mga tao kung paano tutugon si Jesus sa sitwasyong iyon. Sinabi ni Jesus sa kanila na magdala ng isang denaryo o isang Romanong salaping pilak at saka itinanong sa kanila kung kaninong mukha at pangalan ang nakaukit doon. Nang sumagot sila na “Kay Cesar,” sinabi ni Jesus na, "Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Dios ang sa Dios" (Marcos 12:17). Marahil natuwa at namangha ang mga tao dahil sa maayos na tugon ni Jesus sa mapanlinlang na tanong sa Kanya ng Kanyang mga kaaway.
Pero may mas magandang aral ang nais ituro sa atin dito. Kung paanong ang larawan ni Cesar ang nasa salaping pilak, ang Dios naman ang nakaukit sa ating kaluluwa. Nilikha nga tayo sa larawan at wangis ng Dios (Genesis 1:26). Bagamat nabahiran ang larawan at wangis na ito dahil sa kasalanan, ipinapaalala pa rin nito sa atin na pag-aari tayo ng Dios, at hindi ng ating sarili o ng sinumang tao. Kung kikilalanin natin ang katotohanang ito at ipagkakaloob muli ang ating mga sarili sa Dios, kikilos Siya sa atin at aayusin ang nasira nating relasyon sa Kanya at ang pagiging kalarawan at kawangis Niya sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak na si Jesus (Roma 8:29; 1 Corinto 15:49). Sa halip na tungkol sa politika ang itinanong nila kay Jesus, dapat sana’y mas inisip nila ang kalagayan ng kanilang kaluluwa at ang kanilang relasyon sa Dios.
Ano ang ipinapakita sa atin tungkol sa kalikasan ng tao sa pamamagitan ng mga pagtugon nila sa COVID-19 outbreak? Paano natin maipapakita sa iba sa ating mga salita at kilos na nilikha tayo ayon sa larawan at wangis ng Dios? Ano ang mga pagbabagong ginagawa sa iyo ng Banal na Espiritu at paano ka nagpapasakop sa pagkilos ng Dios sa iyong buhay na nagpapakita ng Kanyang kagandahang-loob?
Dahil sa coronavirus, maraming mga katanungan ang nabuo sa ating isipan tungkol sa buhay na nagpapahiwatig na mayroon tayong mga espirituwal na pangangailangan. Paano natin matutulungan ang mga tao na makita nila ang mga espirituwal na katotohanan at ang kanilang pangangailangan kay Cristo? Paano natin makukuha ang kanilang atensyon at sagutin ang kanilang mga tanong sa paraang mahinahon at nagpapakita ng pagmamahal?