Araw 2: Lunes Santo

Basahin: Marcos 11:12–26


Pagkatapos mapagmasdang mabuti ni Jesus ang lahat ng mga nangyayari sa templo (Marcos 11:11), bumalik Siyang muli roon kinabukasan. Pumunta si Jesus sa pinaka publikong bahagi ng templo na tinatawag nilang Court of the Gentiles kung saan marami ang nagtitinda at namimili. Binigyang pahintulot ng mga namamahala sa templo ang ganitong uri ng kalakalan at nakikinabang sila mula rito. Ang mga hayop na inaprubahan para sa paghahandog sa templo ay doon lamang mabibili. Abala ang mga nagpapalit ng pera sa kanilang pagpapalaki ng kita - ang uri ng perang kanilang ipinapalit ang maaari lamang gamitin sa pagbili ng hayop at sa pagbabayad ng buwis para sa templo.

Dahil sa masidhing pagnanais ni Jesus na huwag mabahiran ng karumihan ang pangalan at kaluwalhatian ng Dios, itinaboy Niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob rin ni Jesus ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. Pinagbawalan rin ni Jesus ang mga taong may paninda na dumaan sa templo. Parang eksena na punong-puno ng emosyon ang ginawang paglilinis ni Jesus sa templo at sa Kanyang ipinakitang galit sa paglapastangan ng mga tao rito.

Pagkatapos, pinangaralan ni Jesus ang mga tao at marahil ang iba sa kanila’y nagtataka habang nililinis Niya ang mga pang-aabusong ginagawa sa bakuran ng templo. Binanggit Niya sa kanila ang sinabi ng Dios na makikita sa Isaias 56:7 at Jeremias 7:11 - “Ang Aking bahay ay magiging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa.” Ang ibig sabihin nito ay ang Israel dapat ang mangunguna sa lahat ng mga bansa (Mga Hentil) sa pagsamba sa Dios. Ngunit hindi naging tapat ang mga itinuturing ng Dios na mamamayan Niya at ginawa nila ang templo na “pugad ng mga tulisan” (Marcos 11:17).

Nakikinabang nga ang mga punong pari at tagapagturo ng kautusan sa mga nagaganap na kalakalan sa templo. Kaya nang malaman nila na kinakalaban sila ni Jesus, binalak nilang ipapatay si Jesus. Isang kalaban at banta sa kanilang mga balakin ang tingin nila kay Jesus.

Bago pa makarating si Jesus sa templo, may nakita muna siyang isang madahong puno ng igos. Kadalasan, ang dahon ng igos ay indikasyon na magkakaroon na ito ng bunga. Isinumpa ni Jesus ang puno ng igos dahil wala siyang makitang bunga kundi mga dahon lang dahil hindi pa panahon ng mga igos noon. Para bang nagbigay ito ng maling impresyon na nagbunga ito ngunit hindi naman talaga. Kumakatawan ito sa mga mamamayan ng Dios - mga mapagkunwari at mapagpaimbabaw. Marami ang pumupunta sa templo pero walang nakikitang espirituwal na bunga sa kanila. Kinaumagahan, nadaanan ng mga tagasunod ni Jesus ang isinumpang puno ng igos at nakita nilang “tuyong tuyo na ito hanggang sa ugat” (Marcos 11:20). Ipinapakita nito ang kahihinatnan ng pagsuway at kawalan ng katapatan at nagsilbi itong babala sa paparating na kahatulan (winasak ang templo ng mga Romano noong AD 70). Pagkatapos, may binanggit naman si Jesus tungkol sa pananampalataya at pagiging mabunga. Ang pananampalataya sa Dios ay kayang magpalipat sa bundok at maaari itong ipakita sa pamamagitan ng panalanging may matibay na pananampalataya (Marcos 11:23-24). Sa pamamagitan rin ng ganoong pananampalataya ay magagawa ng isang tao na patawarin ang kanyang kapwa gaya ng pagpapatawad sa Kanya ng Dios (t. 25). Ang pananampalataya ay nagkakaroon ng bunga.


Pag-usapan Natin

  • Sa gitna ng mga alalahanin natin dahil sa COVID-19, paano natin ipaaalala sa ating mga sarili ang ating misyon para sa Panginoon? Ano ang gagawin mo tungkol dito sa linggong ito?

  • Anong bunga ang maaaring magkaroon tayo sa panahong ito na walang kasiguraduhan kung ano ang mangyayari at sa panahon kung saan ipinapatupad ang “social distancing”? Ano kaya ang gustong makita sa atin ng Dios? Paano natin maipapakita ang ating pananampalataya at pagsunod?


I-share ang Kuwentong ito