Araw 4: Miyerkules Santo

Basahin: Marcos 14:1–11


Walang nakasulat sa Biblia kung ano ang ginawa ng Panginoong Jesus noong araw ng Miyerkules ng huling linggo Niya dito sa mundo na tinatawag nating Mahal na Araw. Ipinapalagay ng mga iskolar na pagkatapos ng dalawang nakakapagod na araw sa Jerusalem, ginugol ni Jesus at ng Kanyang mga apostol ang araw na iyon sa pagpapahinga sa Betania habang hinihintay ang Pista ng Paglampas ng Anghel.

Pinapalibutan si Jesus ng mga makulimlim na ulap. Lubos naman ang pagnanais ng mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio na ipapatay Siya. Malapit na Siyang ihandog para sa katubusan ng kasalanan ng buong mundo na tulad ng isang tupang inihahandog (Juan 1:29). Maging ang Kanyang mga tagasunod ay bigong makita ang kahalagahan o kagandahan ng mga mangyayari. Nakapagpagaan naman sa loob ni Jesus ang Kanyang tapat na tagasunod na si Maria na taga-Betania na laging mataimtim na nakikinig sa Kanya habang nasa paanan Niya.

Kumakain noon si Jesus nang dumating si Maria na may dalang mamahaling pabango na nasa isang sisidlan (Marcos 14:3). Ikinagulat marahil ng lahat ng naroon nang basagin ni Maria ang sisidlan at ibuhos ang buong laman nito sa ulo ni Jesus. Maaari sanang magbuhos lang siya ng ilang patak ng pabango pero ginawa niya iyon dahil sa labis Niyang pagsamba kay Jesus. Umani naman ng batikos si Maria dahil para sa kanila, “sinayang” ni Maria ang mamahaling pabango na maaari sanang ibigay sa mahihirap ang mapagbibilhan nito. Tila napakahusay sa pananalapi ng mga taong iyon! Si Judas Iscariote ang nangunguna sa mga kritikong iyon (tingnan ang Juan 12:4-5), na bilang ingat-yaman at magnanakaw ay maaari siyang makinabang sa mapagbibilhan ng pabango.

Sinaway naman ni Jesus si Judas at ang iba pang mga kritiko. Sinabi Niya na pabayaan nila si Maria dahil mabuti ang ginawa nito para sa Kanya (Marcos 14:6). Sa ginawang iyon ni Maria ay inihahanda niya ang libing ni Jesus. Dahil lagi siyang nasa paanan ni Jesus para makinig sa Kanya, tila siya lamang sa grupo ang talagang nakakaunawa kung ano ang mangyayari kay Jesus. At dahil sa ipinakita niyang napakagandang pagsamba kay Jesus, ipapahayag ang ginawa niyang ito bilang pag-alala sa kanya saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo.

Sa pagkakataong ito, nagpasya si Judas na talikuran ang kanyang Panginoon. Pinuntahan niya ang mga namamahalang pari para ipagkanulo si Jesus. Bakit kaya niya ginawa iyon? Nagdamdam ba siya dahil sinaway siya ni Jesus? Sinusubukan ba niyang pwersahin si Jesus na tanggapin Nito ang tungkulin billang politikal na pinuno o Mesiyas? O sadyang sakim lamang siya? Sinasabi sa aklat ng Mateo na nakipagtawaran si Judas sa mga namamahalang pari hanggang sa ialok sa kanya ang 30 pirasong pilak bilang kabayaran sa pagkakanulo kay Jesus (Mateo 26:15). Natuwa ang mga paring ito dahil nagkaroon sila ng kakampi sa mga apostol ni Jesus. Mula noong sandaling pinuna ni Judas si Maria dahil sa ginawa nitong pagpapakita ng pagsamba kay Jesus, unti-unting nahuhulog si Judas sa kapahamakan. Ang lalaking nag-akusa kay Maria na nagsasayang ito ng pera ay siya palang mag-aaksaya ng sarili niyang buhay.


Pag-usapan Natin

  • Mas maraming alam si Maria tungkol kay Jesus at sa Kanyang misyon kaysa sa ibang mga tagasunod dahil tapat siya sa pakikinig kay Jesus. Dahil naman sa mga iba’t ibang alalahanin at nakakagulo sa ating mga isip dulot ng COVID-19, paano tayo patuloy na maglalaan ng oras sa pakikinig kay Jesus?

  • Ibinigay ni Maria ang lahat bilang pagpapakita ng kanyang pagsamba kay Jesus. Kumusta naman ang iyong pagsamba sa Panginoong Jesu-Cristo? Ano ang maipagkakaloob mo sa Kanya ngayon? Ano ang mga ibinigay Niya sa iyo?


I-share ang Kuwentong ito