Araw 8: Linggo ng Pagkabuhay

Basahin: Marcos 16:9–20


Nag-iisip ang mga iskolar kung kasama ba talaga o hindi ang Marcos 16:9-20 sa orihinal na aklat ng Marcos dahil wala ito sa mga naunang manuskrito o kopya ng aklat na ito. Kung hindi man talaga ito kasama, para bang bigla na lang itong nagwakas. Dahil ba sa pinatay si Marcos kaya hindi niya ito natapos sulatin o kaya naman ay nawala na lang ang konklusyong isinulat niya? Para mabigyan ng maayos na wakas ang aklat na ito, idinagdag ang maiksing konklusyon na simula sa pagsugo ni Jesus sa Kanyang mga apostol sa silangan at kanluran dala ang magandang balita. Nasa ibang manuskrito ang mga talatang ito (Marcos 16:9-20). Kinikilala ang pangwakas na mga talatang ito na hindi kasama sa orihinal na teksto. Gayon pa man, nasa karamihan ng mga Biblia ang mga talatang ito.

Mapapansin natin dito na pinagsabihan ni Jesus ang Kanyang mga apostol dahil sa “kawalan nila ng pananampalataya” at sa “katigasan ng kanilang puso” dahil hindi sila naniwala sa isinugo ni Jesus na nakakita sa Kanya nang muli Siyang nabuhay (Marcos 16:14). Bakit kaya? Ayon sa Kasulatan, kailangan muna na mayroong dalawa o tatlong saksi para masabing totoo ang nangyari (tingnan ang Deuteronomio 19:15; Mateo 18:16; 2 Corinto 13:1). Nagsugo si Jesus ng tatlong saksi sa mga apostol: si Maria na taga-Magdala, at ang dalawa pa na “naglalakad sa bukid” (Marcos 16:12, ito ang dalawang lalaki na naglalakad sa daan na patungong Emmaus; tingnan ang Lucas 24:13-35).

Nang sinabi ni Maria sa mga apostol kung ano ang nakita niya, “hindi sila naniwala” (Marcos 16:11). At nang sinabi rin ng dalawang lalaki sa mga apostol ang kanilang nasaksihan, “hindi rin naniwala ang mga ito” (Marcos 16:13). Ito nga ang dahilan kung bakit pinagsabihan ni Jesus ang Kanyang mga nag-aalinlangang tagasunod. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila (at sa atin din), “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao,”at binigyan sila ng katiyakan na “ang lahat ng sasampalataya at magpapabaustismo ay maliligtas” ngunit “ang hindi sasampalataya ay parurusahan” (Marcos 16:15-16).

Nangako rin si Jesus na bibigyan Niya sila ng ilang mga tanda: magkakaroon sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, makakapagsalita ng mga bagong wika, hindi malalason sa tuklaw ng makamandag na ahas, at ang kakayahang makapagpagaling ng mga may sakit. Ang ilan sa mga ito ay nangyari agad (tingnan ang Gawa 16:18; 2:4; 28:3-6; 14:8-10) pero hindi ito nagmistulang pangkaraniwan.

Si Jesus na Anak ng Dios na nagtagumpay sa Kanyang misyon ay iniakyat na sa langit at umupo sa kanan ng Dios tulad ng sinabi na NIya noon (tingnan ang Marcos 14:62). Gayundin ay babalik Siya sa ulap. Ito ang dakilang magandang balita,ang magandang balita ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Dios.

Nakatulong ba sa iyo ang pagbubulay na ito? Bisitahin ang journeythrough.org. para sa iba pang mga babasahin.

Ang devotional na ito ay mula sa Journey Through Mark na isinulat ni Robert M. Solomon.


Pag-usapan Natin

  • Sa panahon natin ngayon kung saan hindi natin alam kung ano ang mangyayari, paano natin maipapakita sa iba ang ating pananampalataya kay Jesus? Kapag may nag-aalinlangan, ano ang maipapakita natin sa kanila na mga tanda ng pag-ibig ng Dios, pag-iingat at pagliligtas? Paano natin maisasagawa ang bilin ni Jesus sa atin na, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao” (Marcos 16:15)?

  • Maglaan ng oras para pagbulayan ang iyong natutunan at ang mga mensaheng ipinaparating sa iyo ng Dios sa nakaraang linggo. Paano babaguhin ng mga aral na ito ang iyong buhay at ang iyong mga pang-araw-araw na ginagawa simula ngayon? Maglaan din ng oras na tumugon sa mga ginawa ni Jesus para sa iyo sa pamamagitan ng pagsamba, pananalanging puno ng pagtitiwala at ng taos-pusong pasasalamat.