Araw 7: Sabado de Gloria

Basahin: Marcos 16:1–8


Noong Sabado ng gabi, nang matapos na ang Araw ng Pamamahinga, ang dalawang Maria at si Salome (Marcos 15:40) ay bumili ng mga pabango upang ipahid sa bangkay ni Jesus. Kinaumagahan, pumunta sila sa libingan, at naisip nila na baka hindi nila kayang pagulungin ang bato na nakatakip sa pintuan ng libingan. Mas madali pa itong takpan kaysa ang buksan ito. Marahil, naisip nila na sana’y nagsama sila ng ilan sa mga lalaking tagasunod ni Jesus para makatulong sa kanila.

Nagulat sila nang makarating sila sa libingan: naigulong na ang batong nakatakip sa pinto nito. Alam nilang hindi sila nagkamali ng pinuntahan at iyon talaga ang libinigan ni Jesus at malinaw na pinatotohonan ito sa Marcos 15:47. Nang pumasok na sila sa loob, mas lalo silang nagulat dahil may nakita silang nakaupo roon. Ang nakita nila ay isang kabataang lalaki na nakasuot ng puti (isa siyang anghel ayon sa Mateo 28:5). Sinabi ng lalaki sa kanila na huwag silang matakot dahil nabuhay na muli si Jesus! Itinuro niya sa kanila kung saan inilagay ang bangkay ni Jesus at wala na nga roon ang katawan ni Cristo. Pagkatapos, sinabi ng lalaki sa mga namamanghang kababaihan na ibalita nila sa mga apostol ni Jesus at lalo na kay “Pedro”, (pagpapakita ito ng pagpapatawad ng Panginoon sa nagsising si Pedro) na muling nabuhay si Jesus at mauuna SIya sa kanila sa Galilea kung saan makikita nila Siyang muli. Sinabi na ito ni Jesus sa kanila noon (tingnan ang Marcos 14:28).

Kataka-takang pinili ng Dios na mga kababaihan ang unang makasaksi sa pagkabuhay na muli ni Jesus. Kung maaalala natin, hindi masyadong pinaniniwalaan ang salaysay ng mga kababaihan sa kanilang kultura sa panahong iyon (tingnan ang Lucas 24:10-11). Kung gawa-gawa lamang ang pagkabuhay na muli ni Jesus, pumili na sana ang mga gumawa ng kwentong iyon ng mga kalalakihan para magsilbing unang nakasaksi sa pangyayari. Isang malaking katibayan na ang mga kababaihang iyon ang unang nakakita ng walang laman na libingan at nakakita sa anghel na totoong nabuhay na muli si Jesus.

Nanginig, nataranta at lubos na natakot ang mga kababaihang iyon (Marcos 16:8). Tumakbo sila palayo sa libingan dahil sa pagkatakot sa nakita nilang libingan na wala nang laman at sa nalaman nila na muling nabuhay si Jesus. Natakot sila ngunit napuno rin sila ng kagalakan.


Pag-usapan Natin

  • Ilan sa mga unang tagasunod ni Jesus ay nahirapang maniwala sa mga sinabi Niya na mangyayari sa Kanya kahit na mayroon pang mga katibayan (Marcos 8:31; 9:31; 10:34). Kung ilalagay mo ang iyong sarili sa lugar ng mga kababaihang nakasaksi sa pagkabuhay na muli ni Jesus, itanong mo ito sa iyong sarili: Ano kaya ang iyong magiging tugon o ikikilos sa pagkakataong iyon? Bakit kaya mahirap para sa atin at para sa iba na paniwalaan ang mga sinabi ni Jesus?

  • Habang hindi pa masyadong pinapayagan ang mga pananambahan at pagtitipon para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus, paano natin maipagpapatuloy ang pagpapahayag ng tungkol sa ating Panginoon na nabuhay muli? Ano ang maaari nating sabihin o ipahayag tungkol sa libingan na wala nang laman?


I-share ang Kuwentong ito