Basahin: Marcos 15:16–32
Ibang-iba ang ginawang pagtrato kay Jesus kumpara sa magandang tratong natanggap Niya noong mga nakaraang araw nang nakasakay siya sa isang asno papasok sa lungsod (tingnan ang Marcos 11:7-10). Sa pagkakataong ito, hinagupit ng latigo si Jesus ng mga sundalo. Isa itong napakalupit na parusa kung saan magagawa nitong tuklapin ang laman na halos ikamatay na ng taong pinaparusahan. Pinagtawanan din nila si Jesus dahil tinanggap Niya ang pagkilala sa Kanya bilang hari ng mga Judio. Pagkasilang pa lang kay Jesus ay sinamba na Siya bilang hari ng ilang mga dalubhasa (tingnan ang Mateo 2:2, 11), ngunit ngayon ay sinuotan Siya ng kapa na kulay ube at pinutungan ng koronang tinik ng mga malulupit na sundalo na sanay sa pagpatay bilang pangungutya sa Kanya. Paulit-ulit din nila Siyang hinampas sa ulo, dinuraan at pakutyang lumuhod sa Kanyang harapan. Matapos nila Siyang kutyain, hinubad nila ang kapang kulay ube mula sa Kanyang duguang likuran. Tunay na kaawa-awa ang kalagayan ni Jesus ng mga oras na iyon.
Pagkatapos, dinala nila si Jesus sa isang burol sa labas ng lungsod na tinatawag na Golgota upang doon Siya ipako. Habang naglalakad sila papunta roon, nasalubong nila si Simon na taga-Cyrene na ama nina Alexander at Rufus at sapilitang ipinapasan sa kanya ang krus na pasan ng lubos na pinahirapang si Jesus. Noong nakarating na sila, binigyan nila si Jesus ng alak na may halong mira pero hindi Niya ito ininom. Pagkatapos Siyang ipako sa krus noong ika-9 ng umaga, pinaghati-hati nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan (Marcos 15:24; may propesiya na tungkol dito sa Salmo 22:18 na ibig sabihi’y hinuburan din Siya para ipahiya sa harapan ng mga tao). Isinulat nila sa isang karatula ang paratang sa Kanya, “Ang Hari ng mga Judio” at inilagay sa itaas ng Kanyang krus. Ang paratang na iyon kay Jesus ay may mas malalim na kahulugan kaysa sa iniisip nila. Samantala, dalawang magnanakaw ang ipinako rin sa magkabilang tabi ni Jesus (tingnan ang Isaias 53:12). Habang nakapako si Jesus, ininsulto Siya ng mga napapadaan doon at ng mga pinuno ng relihiyon (tingnan ang Salmo 22:7). Hinamon nila si Jesus na bumaba sa krus upang iligtas ang sarili at patunayan na Siya nga ang hari ng Israel. Ngunit nanatiling nakatuon si Jesus sa krus at sa kanyang misyon na iligtas sila at tayo ring lahat, at marahil ay alam Niyang si Satanas ang tumutukso sa Kanya sa likod ng mga pang-iinsulto at hamon ng mga tao.
Maaaring bumaba si Jesus upang ipakita ang Kanyang kapangyarihan pero kung ginawa Niya iyon, hindi sana natin Siya magiging Tagapagligtas at lahat tayo’y tiyak na mapupunta sa impyerno. Bukod sa pisikal na paghihirap, kinailangan pang batahin ni Jesus ang mga pang-iinsulto ng mga taong makikinabang sa Kanyang kamatayan. Ininsulto rin Siya maging ng mga magnanakaw na ipinakong kasabay Niya (bagamat kalauna’y nagsisi ang isa sa kanila, tingnan ang Lucas 23:40-43).
May mga ilang mananampalataya ang pinupuna dahil sa kanilang mga ikinikilos sa panahong ito ng pandemya. Bilang pagsasabuhay sa ating nabasa, ano ang pinakamainam na tugon sa mga ganitong sitwasyon? Ano naman sa tingin mo ang magiging tugon ni Jesus sa mga sitwasyong tulad ng nararanasan natin?
May ilan naman na napapatanong kung nasaan ang Dios sa mga mahihirap na sitwasyon tulad sa krisis na hinaharap natin ngayon. Ano ang itinuturo sa atin ng nabasa natin ngayon tungkol sa pamamaraan ng Dios at sa Kanyang tamang kapanahunan? Ano naman ang itinuturo sa atin nito tungkol sa dakilang pag-ibig ng Dios sa ating lahat?