Araw 5: Huwebes Santo

Basahin: Marcos 14:12–26


Ipinako si Jesus sa krus isang araw pagkatapos ng paggunita sa Pista ng Araw ng Paglampas ng Anghel. Inalay Niya ang Kanyang sarili bilang handog na tupa upang iligtas ang mundo na parang tupang inihahandog sa araw ng pistang ito. Ang huling hapunan ni Jesus kung saan nakasalo Niya ang Kanyang mga apostol ay may kaugnayan sa Pista ng Paglampas ng Anghel ng mga Judio. Mababasa natin sa Lucas na “gustong-gusto” ni Jesus na makasalo ang Kanyang mga apostol sa hapunang iyon sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel (Lukas 22:15). Kaya naman, inihanda ang hapunang ito nang lihim dahil baka may gawing hakbang si Judas na maaaring maging dahilan para hindi ito matuloy.

Inutusan ni Jesus ang mga pinagkakatiwalaan Niyang apostol na sina Pedro at Juan upang ihanda ang hapunan. Makikita talaga na pinaghandaan ang hapunang iyon dahil sa lalaking masasalubong nila na may pasan na isang bangang tubig (karaniwan kasi’y babae ang gumagawa nito, Marcos 14:13). Ang lalaking iyon ang magpapakita sa kanila sa malaking kwarto sa itaas na kakainan nila. Sa panahon ngayon, patuloy nating ginugunita ang hapunang iyon bilang Banal na Hapunan kung saan ating inaalala nang may lubos na pasasalamat ang sakripisyong ginawa ng ating Panginoong Jesus para sa atin.

Nang kumakain na sila, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga apostol na ipagkakanulo Siya ng isa kanila. Maituturing na napakasama ng pagtataksil sa isang kaibigan matapos niya itong makasalo sa pagkain. Nalungkot ang mga apostol at nagtanong ang bawat isa kay Jesus, “Hindi ako iyon, di po ba?” (Marcos 14:19). Siyasatin rin naman natin ang ating mga sarili. Hindi naman binanggit ni Jesus ang pangalan ni Judas dahil binibigyan Niya pa ito ng pagkakataong magsisi. Ipapako si Jesus sa krus upang tuparin ang plano ng Dios pero si Judas ang responsable sa kanyang napakasamang ginawa.

Sa pagpapatuloy, kumuha si Jesus ng tinapay, nagpasalamat sa Dios, hinati-hati ito at ibinigay sa mga tagasunod Niya pati na rin ang inumin. Tinukoy ni Jesus ang mga ito bilang “Aking katawan” at “Aking dugo” (Marcos 14:22, 24). Ipinapaalala sa atin ng mga ito ang sakripisyong ginawa ni Jesus sa krus, at sa tuwing kinakain natin ang tinapay at iniinom ang katas ng ubas, ipinapakita natin ang ating pagtitiwala sa Kanya (tingnan ang 1 Corinto 11:26) at tayo’y nananatili sa Kanya at Siya sa atin (Juan 6:56). Tulad ni Jesus, nararapat din tayong tumingin sa itaas nang may pananampalataya at pagtittiwala, at tulad ng mga apostol, tingnan naman natin ang mga nakapaligid sa atin nang may pagmamahal habang ating tinatanggap ang mga simbolo ng katawan at dugo ni Cristo.

Binanggit din ni Jesus sa kanila ang mangyayari sa hinaharap kung saan muli Siyang iinom kasama ng Kanyang mga apostol - at iyon ay mangyayari sa handaan ng kasal ng Tupa na magaganap sa Kanyang pagbabalik (Pahayag 19:9). Sa ating pakikibahagi sa Banal na Hapunan, nananabik din tayo sa pagdating ng araw na iyon.


Pag-usapan Natin

  • Paano maipagpapatuloy ng iglesya o kalipunan ng mga mananampalataya ang pag-alaala at pagdiriwang sa mga ginawa ng Panginoong Jesus para sa atin sa kabila ng mga ipinapatupad na mga safety protocol tulad ng “social distancing”? Bilang mga mananampalataya naman, ano ang mga praktikal at makabagong paraan ang maaari nating gawin upang alalahanin ang ginawang sakripisyo ni Jesus?

  • Paano natin maipagpapatuloy ang pagpapakita ng pagmamahal kahit hindi muna maaaring magkita-kita? Paano natin mapapanatii na nagkakaisa tayo sa panampalataya at pagsamba sa ating Panginoong Jesus?


I-share ang Kuwentong ito