Araw 1: Linggo ng Palaspas

Basahin: Marcos 11:1–11


Ang Panginoong Jesus ay matagumpay na pumasok noon sa Jerusalem bilang Haring Hinirang ng Dios o Mesiyas, mga 2,000 taon na ang nakakalipas. Sa panahon natin ngayon, Linggo ng Palaspas ang tawag sa pangyayaring iyon. May propesiya na tungkol dito sa Salmo 118:25-26 kung saan nagdiwang at nagalak ang mga tao sa kanilang pagpasok sa Jerusalem.

Maraming pasukan ang lungsod ng Jerusalem at sa pasukan na malapit sa Bundok ng Olibo pumasok si Jesus. Ito ay ang tinatawag na Golden Gate. Sa ngayon, nakatakip at nakasarado ang pasukang iyon dahil patuloy pa ring naghihintay ang mga Judio sa pagdating ng kanilang Mesiyas (Ezekiel 44:1-3). Hindi sila naniniwala na ang tunay na Mesiyas ay nagdaan na sa pasukang iyon 2,000 taon na ang nakakaraan.

Isang batang asno na hindi pa sinasakyan ng sinuman ang ginamit ni Jesus sa pagpasok sa lungsod. Isinugo noon ni Jesus ang Kanyang dalawang tagasunod para kunin ang isang asno sa karatig bayan (Marcos 11:2). Maaari naman tayong mapaisip kung ano kaya ang naging takbo ng kanilang usapan habang sila’y papunta roon. Kadalasan, naglalakad lang si Jesus tuwing Siya’y naglalakbay pero bakit Niya ipinapakuha sa pagkakataong iyon ang isang asno? May propesiya na tungkol dito sa Zacarias 9:9. Binigyan ang asnong ito ng natatanging pribilehiyo na pasanin si Jesus. Isa namang nakakatuwang bagay tungkol sa mga asno ang maaari nating bigyang-pansin, ilan kasi sa mga uri nito ay hugis krus ang balahibo sa kanilang likuran. Tunay ngang maaalala natin ang isang hamak na asno na siyang sinakyan ni Jesus sa sa pagpasok sa banal na lungsod. Nagtanong naman ang mga may-ari ng asnong iyon sa mga tagasunod ni Jesus kung bakit nila ito kinakalagan (Lukas 19:33). Nang sabihin ng mga tagasunod na, “Kailangan ito ng Panginoon,” pinabayaan na silang kunin ito (Marcos 11:3-6).

Tuwang-tuwa ang mga tao sa pagpasok ni Jesus sa lungsod. Ganoon din ang naramdaman ng mga tagasunod ni Jesus. Marahil, iniisip ng mga tao na si Jesus ang makapangyarihang politikal na pinuno o Mesiyas na magpapalaya sa kanila mula sa malupit na pamumuno ng mga Romano. Hindi nila napagtanto na si Jesus ay hindi isang politikal na Mesiyas kundi Siya ang tunay na Mesiyas na naparito mula sa langit upang hanapin at iligtas ang mga naliligaw. Kung binigyang-pansin sana nila na sa templo sa lungsod nagpunta si Jesus at hindi sa palasyo, marahil, napagtanto sana nila kung sino talaga si Jesus at kung ano ang Kanyang misyon.

Nagpunta si Jesus sa templo at “pinagmasdan Niyang mabuti ang lahat ng bagay doon” (Marcos 11:11). Napansin Niya ang mga pang-aabusong nangyayari roon. Nakita ni Jesus na hindi naging tapat ang mga tao at nakatakda Siyang tumugon sa mga ginagawa nilang iyon. Pero bago iyon ay bumalik muna Siya sa Betania kasama ang Kanyang mga tagasunod. Masaya marahil ang mga tagasunod ni Jesus dahil sa lahat ng mga nasaksihan nila at sa inaasahan nilang kaluwalhatian at kadakilaan ngunit hindi nila napagtanto na pinapalibutan ng mga ulap si Jesus.


Pag-usapan Natin

  • Paano nakakaapekto sa iyong pagtingin sa mga nangyayari sa mundo ang pag-alala na si Jesus ang “Mesiyas na naparito mula sa langit upang hanapin at iligtas ang mga naliligaw”? Paano ito nakapagbibigay sa iyo ng kaaliwan o lakas ng loob?

  • Tayo ang templo ng Dios (1 Corinto 3:16; 6:19). Ano kaya ang makikita ni Jesus kung papasok Siya sa iyong puso ngayon? Makikita Niya ba na ikaw ay takot at balisa, o kaya naman ikaw ay nagtitiwala at umaasa sa Kanya? Hayaan mong mangusap sa Iyo ang Panginoon at tumugon ka sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin.


I-share ang Kuwentong ito